Kilusan para sa Katotohanan at Katarungan laban sa Katiwalian (4K) _______________________
Ang
pagbubunyag na ginawa ni Jun Lozada sa maanomalyang ZTE National Broadband Deal ay lalo lamang nagpasabog sa malawakang pandarambong
na umiiral sa korap na pamahalaan na pinamumunuan ng pangkating Gloria Macapagal Arroyo at sindikatong pamilya nito. Bagama’t
patuloy na sinusubaybayan ng sambayanan ang imbestigasyon na isinasagawa sa Senado, nagkukumahog naman ang Malacaņang na pagtakpan
ito sa pamamagitan ng pagpigil sa ilan sa mga opisyal ng gobyerno, tulad ni dating NEDA Secretary Romulo Neri, upang harapin
ang nasabing imbestigasyon at pagtangkang maglabas ng mga bogus na testigo upang lituhin ang mga mamamayan sa mga naging tunay
na kaganapan sa maanomalyang transaksyon na ito. Sa paglipas na ng napakaraming rehimen sa ating pamahalaan, laganap na ang
ganitong klase ng pandarambong sa kabang-yaman ng ating bansa subalit ang kasalukuyang paghahari ni Gloria Arroyo at ng kanyang
sindikatong pamilya ang siyang may pinakamaraming katiwaliang naitala sa buong kasaysayan, kabilang na ang Northrail-Southrail
Projects, Cyber- Education, Fertilizer Scam na para sa magsasaka ngunit ginamit sa kampanyang elektoral, Macapagal Boulevard
na pinakamahal na daanan sa buong mundo, ZTE deal na may 130 milyong dolyar na kickback. Bukod pa ang usapin sa garapalang
dayaan noong electoral 2004 na “Hello Garci Scandal, Jose Pidal Account” at napakarami pang ibang kasalanan sa
mamamayan tulad ng extra-judicial killings na umaabot na sa 891 pinaslang.
Sa kabila nito, patuloy naman ang pagtindi ng kahirapan at paghihikahos na ating nararanasan. Lalong nagiging malinaw
sa atin na ang kahirapan na ito ay resulta ng korapsyon sa pamahalaan at kontra mamamayang mga patakaran ng rehimen. Kahit
sa hanay ng mga konserbatibong mga ekonomista, walang naniniwala sa gawa-gawang estadistika at pahayag ng rehimen na nagpapakitang
“umuunlad” ang bansa, bagkus ay lalo lamang nagpatuloy at tumindi ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin
at langis.
Ang korapsyon ay napakalaking usapin, imbes na ito ay napapakinabangan nating mamamayan
para sa pabahay, hospitalisasyon at edukasyon ay nauuwi sa bulsa ng ilang tao at pamilya. Ilang daang libo sanang bahay ang
magagawa para sa mga walang sariling bahay, ilang daang libong silid- aralan at libro sana ito para sa mga nagsisiksikang
mga estudyante at ilang milyong may sakit sana ang magagamot at ilang programa sana ito para sa pambansang industriyalisasyon
at agraryo. Hindi tayo ligtas dito at kinakailangan makialam dahil tayong lahat ang magbabayad ng trilyong pagkakautang natin
sa pamamagitan ng 12% E-VAT na nakapatong sa bawat bilihin at sahod ng mga manggagawa.
Kaya sa mga ganitong usapin kinakailangang magbuo ang mga mamamayan lalo na ang mga
maralita ng isang alyansa at samahan upang maisatinig at magkaroon ng boses ang mga usaping ito. Ang ating layon ay lumabas
ang katotohanan at panagutin ang mga may mga sala. Kahit pa pinipilit ni Gloria Arroyo na lusutan at ipagkait sa atin ang
katotohanan at hustisya, sa huli ay tayo pa rin ang mapagpasya. Sa ngayon ay nagbubuo na ng malalaking alyansa ang mga sektor
sa lipunan tulad ng mga manggagawa, magsasaka, taong simbahan, kabataan at estudyante, mga negosyante, kababaihan, maralita,
mga makabayang pulitiko at propesyunal maging ang mga retirado, aktibo at pamilya sa hanay ng militar.
Ngayon higit kailanman ay kinakailangan nating ipakita ang lakas ng ating pagkakaisa para sa katotohanan at katarungan.
Ang mga naging karanasan at aral na natutunan noong EDSA 1 at EDSA 2 ang gagabay sa atin para itaguyod ang pamahalaan na mas
demokratiko at tunay na naglilingkod sa mamamayan. Sa laban natin ngayon ay hindi na natin hahayaan na magpalit lang ng mukha
ang nakaupo sa Malacaņang kundi itatatag natin ang isang demokratikong konseho/komite ng mamamayan at habang itinatatag ito
ay bubuuin muna pansamantala ang isang Triumvirate (Tatlong
Pantay na Pamunuan) na ang mga mauupo ay mula sa tatlong sangay ng pamahalaan (Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura) na siyang
tatayong Caretaker Government at siyang pansamantalang mamamahala sa
mga usaping pambayan sa loob ng apat (4) na buwan at siya ring hahawan ng daan para sa paglulunsad ng isang tunay na mapayapa,
malinis at makabuluhang halalan (Snap Election) para sa mga lehitimong mamumuno sa bayan. Habang wala pang namumunong tunay
na halal ng bayan, higit na kailangan ang masiglang paglahok ng mga mamamayan sa mga pagkilos upang bantayan at tiyaking ang
mga patakaran at programa ng Triumvirate ay naglilingkod para
sa kapakanan ng mamamayan. Nararapat lamang na buuin ang mga Komite ng Mamamayan sa mga bayan upang siyang magsuri at matiyak
na mabawasan kung hindi man mawala ng lubusan ang katiwalian sa pamahalaan. Sa pamamagitan lamang nito natin matitiyak at
malalasap ang tamis ng ating tagumpay. Gagawin nating makasaysayan ito sa pamamagitan ng paglawak ng partisipasyon ng mamamayan
para sa katotohanan at hustisya.
Nararapat lamang na lumabas na ngayon ang katotohanan hinggil sa mga katiwaliang laganap ng umiiral sa pamahalaan. Bigyan natin ng katarungan ang kahirapang dulot ng mga tiwali sa pamahalaan sa mamamayan. Nananawagan kami sa
lahat ng mamamayan na aktibong lumahok sa mga pagtitipong ilulunsad upang ilantad ang katotohanan sa likod ng matinding pagkabusabos
at kahirapang dinaranas ng mga mamamayan.
Ipaglaban ang katotohanan at katarunagan! Katiwalian at korapsyon,
Wakasan! Makiisa at sumapi sa 4K.
_________________________
|
 |
 |
FROM THE MEMBERS OF THE ALLIANCE
==============================
Welcome Remarks
ni Emilia P. Dapulang,
co-convenor ng WORKERS ACTION!
Marso
12, 2008
Isang magandang hapon sa lahat ng kapwa ko manggagawa, mga naimbitahang
tagapagsalita at sa lahat ng mga naghahanap sa katotohanan at nakikipaglaban para sa katarungan.
Sa ngalan ng mga convenors ng WORKERS
ACTION! o Workers for Accountability, Truth and Arroyo's Resignation,
nagpapasalamat kami sa inyong pagdalo kahit na napakaikli ng panahong naigugulol sa imbitasyon para sa makasaysayang pagtitipon
ngayong araw.
Batid naming mga convenors sa sa nakaraang mga linggo ay nagkaroon
ng mga pagpupulong ang mga manggagawa sa iba't ibang lugar at nagtayo ng mga alyansa o mga pormasyon bilang reaksyon sa mga
nabunyag pang lalim at lawak ng korupsyon sa gubyerno at pang-aabuso sa kapangyarihan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo,
Unang Pamilya at kanilang malalapit na kaibigan at alyado.
Napakabilis ng reaksyon nating mga manggagawa dahil hindi nakapagtatakang
magngitngit tayo sa galit dahil sa panahong ipinagkakasya natin ang ating mga kakarampot na sahod relatibo sa tubong nakukuha
ng mga kapitalista at sa matataas na presyo ng mga bilihin, nagpipiyesta pa ang iilan sa mga ninanakaw na pera ng bayan at nabubuhay sila sa luho at kapritso na para bang wala nang bukas.
Nanginginig tayo sa pagkamuhi at protesta nang malaman natin
ang sabwatan ng tinatawag na 'malalaking tao' sa ating lipunan upang muling lokohin tayo, ipagkamaling proteksyon ang pangingidnap,
ipangalandakang tayo lang sa Kamaynilaan ang nakakabasa ng pandarambong at pagsisinungaling at ipalaganap na tayo'y pagod
na upang manindigan at makipaglaban para sa kawastuhan, katotohanan, kaayusan, kapayapaan at katarungan.
Ang pagbubuo natin ng WORKERS UNITY!
ay pagsusumikap natin na magkaroon ng ekspresyon ang kolektibong protesta at galit natin, ang paninindigan para sa tama
at totoo at upang ipaalam sa lahat na tayong mga manggagawa ay nagpupunyagi upang ibayong magkaisa sa napakahirap na sitwasyon
natin sa ngayon.
Nandito tayo ngayon para sa ACCOUNTABILITY
ng gubyernong Arroyo na harapin ang mga kasalanan at krimen nito sa mga manggagawa at mamamayan.
Nandito tayo ngayon para sa TRUTH o KATOTOHANAN
na ating nakikilala at ipinaglababan habang walang habas naman itong binabastos
at binabaluktot upang magsilbi sa makikitid na interes ng iilan.
Nandito tayo ngayon upang igiit ang RESIGNATION
o PAGBIBITIW sa pwesto ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo dahil wala na siyang moral na awtoridad para mamuno
at wala nang pagkilala at pagsuporta nating mga manggagawa.
Muli, maraming salamat sa pagdalo.
==============================
|
 |
 |
UNITY STATEMENT
(TAGALOG VERSION)
Pahayag ng Pagkakaisa
ng mga Manggagawa para sa
Pagbibitiw ni
Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
==============================
Kami ay mga manggagawa, empleyado, unyonista at kasapi ng maralita sa lunsod, tsuper, opereytor at manininda na nagbigkis
upang sama-samang manindigan at kumilos para sa pagbibitiw ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang Pangulo ng Pilipinas. Ang sigaw
namin: “Tama na ang pangungurakot at pandarambong, pang-aapi at panunupil ni
Gloria sa mamamayang Pilipino! Sobra na ang kanyang mga krimen laban sa sambayanan!”
Sobra na ang pangungurakot at pandarambong ni Gloria! Jose Pidal account
P400 Milyon, Diosdado Macapagal Boulevard, Joc-joc Bolante at fertilizer scam P728 Milyon, COMELEC computerization program,
Northrail at Southrail projects P2 Bilyon, Cyber-education Project, at NBN-ZTE P5.2 Bilyon – ito ay ilan lang sa mga
katagang nagbunyag sa katiwalian sa gubyernong Arroyo. Sa lahat ng kasong ito,
hindi nagbigay ng puwang ang gobyernong Arroyo para maisiwalat ang katotohanan at panagutin ang mga may sala. Wala pa ring
naisagawang kapanipaniwalang imbestigasyon, wala ni isang opisyal ng gobyerno ang nakulong o naparusahan na. Ito ay sa kabila
ng laksang ebidensya na nagtuturo sa partisipasyon at pananagutan ni Gng. Arroyo, ng kanyang pamilya at pinakamalalapit na
alyado sa gobyerno sa mga anomalyang ito. Hindi maipagkaila ang walang puknat
na pagsisikap ng gobyernong ito na pagtakpan ang katotohanan at umiwas sa pananagutan.
Sobra na ang pang-aapi ni Gloria sa mamamayang Pilipino! Malawakang kawalan
ng lupa, mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod at sweldo, tanggalan at kontraktwalisasyon, demolisyon sa tirahan
ng maralita at pagkakait ng batayang serbisyong panlipunan – ito ang pang-araw-araw na karanasan ng mamamayang Pilipino
sa ilalim ng gubyernong Arroyo. Samantalang patuloy lamang itong nagsisilbi sa interes ng mga dayuhang kapitalista at mga
kroni ng Pangulo.
Sobra na ang panunupil ni Gloria sa sambayanang Pilipino! Pagpaslang sa mahigit
800 Pilipino, pagdukot, pagtortyur, union-busting, pambubuwag sa mga welga, militarisasyon sa mga pagawaan at komunidad ng
mga maralita – ito ang ganti ng gubyernong Arroyo sa mga nangangahas na tumuligsa sa kanyang mga anti-manggagawa at
anti-mamamayang patakaran. Sa lahat ng kasong ito ng karumaldumal na paglabag
sa karapatang pantao, walang seryosong imbestigasyon na isinagawa ang gobyerno. Tanging koro ng pagtatanggi ang maririnig
mula sa mga opisyal at heneral ni Arroyo. Ang nais lamang ni Arroyo ay busalan
ang kanyang mga kritiko at patuloy na mangunyapit sa poder sa anumang kaparaanan.
Tayong mga manggagawa at magsasaka na tagapaglikha ng yaman ng bansa subalit nagdarahop ng dahil sa gobyernong ito, ngayo’y
nakikipagkaisa sa iba pang sektor sa pagsigaw, “Tama na!” Tayo na bumubuo sa malaking bahagi ng
sambayanang Pilipino subalit laging pinarurusahan ng mga anti-mamamayan at anti-Pilipinong patakaran ni Arroyo, ngayo’y
nakikipagkaisa sa iba pang sektor sa lipunan sa pagsigaw, “Sobra na!” Tayo na naghihikahos at
pinagtitiis sa mumunting bahagi ng yamang ibinunga ng ating sipag at talino habang binibiktima ng pangungurakot at pandarambong
ng gubyernong Arroyo, ngayo’y nakikipagkaisa sa iba pang sektor sa pagsigaw, “Gloria, Resign na!”
=================================
|
 |
|
 |
|